Aminado ako... magulo ang utak ko sa ngayon.
Ilang beses ko na talagang tinangkang gumawa ng obra, ngunit hindi ako makabuo. Mapalad nang kahapon ay nakabuo ako ng isang sanaysay. Eto, sinusubok kong sumulat muli gamit ang wikang taal sa akin, ngunit ang paghabi ng kwento ay isa pa ding malaking hamon. Habang binabasa mo eto, sasabihin ko sa iyong nakalimang subok na ako. At habang ang talatang naisusulat ko ay humahaba, napipilitan akong burahin ito at magsimulang muli. Dahil nga, ang utak ko ay nagririgodon pa rin. Tumatakbo ng wala namang pinatutunguhan, naglalayag ng wala namang nararating.
Kanina habang ako'y naglalakbay papasok sa opisina, nakabuo ako ng isang sanaysay. Sa tagalog ko din siya sinimulan at sa kabutihang palad, ito'y nabigyan ko ng karampatang katapusan. Ang pamagat - TANONG. Ngunit huli na nang malimi kong ang lahat ng salita, parirala, sanaysay at talatang aking nabuo ay pawang nasa isip ko lamang ~ hindi ko naisulat sa aking kuwaderno. Mas mapapadali sana itong ilipat dito sa munti kong sulatin kung ito'y aking naitala. Ngunit muli, huli na. Ang tangi kong magagawa ngayon ay muling mag-isip. At oo, halukaying muli ang lahat ng diwang aking nabuo. Sayang!
Kanina rin matapos kong maghinayang sa aking nabuong sanaysay na sa tingin ko ay hindi na kailanman maisusulat, naisip kong dapat ko siguro munang ipahinga ang utak ko sa lahat ng isipin. Nabasa ko sa isang sulating kagaya nitong akin na ang pinakamainam daw na paraan ay ang maglakbay. Sumakay ng bus o dyipni, busugin ang mata sa lahat ng tanawin, langhapin ang simoy ng hangin at lunurin ang utak sa agos ng lahat ng bagay na nakikita at naaamoy sa iyong paglalakbay. Akin ngang sinubukan at oo, isang magandang gawain. Sa saglit na pagkakataong iyon ay natapos pansumandali ang kapagalan ng aking diwa. At habang ako'y nalalapit sa aking patutunguhan, ang aking isip ay muling nabigyan ng linaw. Handa na muling sumabak sa isang araw ng pakikihamon sa mundong pinili kong tahakin ~ ang mundong batbat ng hirap, kumpetisyon, oportunidad at tagumpay ~ ang Kalsadang Ayala!
Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, ang saglit na napahingang isip ay muling nabahala. Habang binabagtas ko ang lansangan ng Ayala sakay ng isang dyipni, sa gitna ng napakaabalang kalsada na puno ng mga sasakyan, may napansin akong isang kuting sa gitna mismo ng kalsada. Ang marahil ay iilang araw na munti ay nakikipagpatintero sa mga sasakyan at kung ilang beses muntik nang masagasaan; ang mga tsuper na mismo ang umiiwas sa kaniya. Nakita ko rin nang ang nagmamaneho ng isang taksi ay hindi napansin ang munting kuting at halos ito'y mahagip na ng rumaragasa niyang gulong. Mabuti't ang kuting ay may pandama; siya'y nakailag. At sa huli marahil matapos ang ilang beses na pagtimbang sa kunsensiya, ang kuting ay nagawang pulutin ng isang pulis-trapiko. Hindi ko na nakita kung siya ba'y tuluyang dinampot at iniligtas ng pulis, ngunit sa akin ay tama na iyon. Marahil, sa isang tulad nitong tao'y kakatok ang pinakamainam na gawin ~ ang sagipin ang buhay ng inosenteng kuting.
Natutuwa ako at napapaligaya ng mga hayop ~ isda, ibon, aso, pusa ~ pero wala akong konsepto ng pagkalinga sa mga gaya nila. Nagkaroon na kami ng hindi din iilang hayop na kinasama sa aming tahanan, ngunit hindi ako kailanman naging punong tagapag-alaga nila. Sapat na sa akin ang sila'y pakainin kung ako lamang ang naiwan sa bahay. Tama na ang minsa'y naiisipan ko silang paliguan pag hindi ko na matagalan ang kanilang masangsang na mga amoy. Ngunit ang ideya na ako mismo ang kakalinga, aaruga at aari sa mga nasabing hayop, malayo yun sa aking hinagap. Ngunit kanina, habang nakita ko ang pakikihamon ng kuting na mabuhay sa isang mundong malupit na gaya ng Kalsadang Ayala ~ mundong abala, mundong puno ng pagsubok, mundong hindi kaniya ~ napagtanto ko na ang insidenteng iyon ay isang pangyayari na bumuhay sa makatao kong pagnanais na magkaroon ng alagain, ng kakalingain, ng ituturing kong akin. At sa huli pag ang lahat sa akin ay mawawala na, ito na lamang ang nanaisin kong sa akin ay matira.
At ngayon nga habang tinatapos ko ang sanaysay na ito, muli kong iniisip ang pagsisimula. Magsisimula ako sa paghahanap ng mga bagay na maaari kong simulang angkinin. Magsisimula akong muling mag-isip ng kaaya-ayang bagay na magpapakalma sa magulo kong isipan. Magsisimula akong muling hawiin ang madilim na habong ng aking diwa. Magsisimula akong muling tumanaw sa makulay kong buhay.
Salamat sa kuting. Salamat!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

No comments:
Post a Comment