Makati, NCR, Philippines
Those who are interested to know me, read on… Those who are interested to share a space on my sphere, go on… Those who are ready to embrace me, carry on… Those who’d like to celebrate life with me, let’s get it on…

Saturday, January 26, 2008

Bakit si Regine?

Panatiko ako ni Regine Velasquez... ang adarnang bumihag sa mapang-awit na puso ng mga Asyano.

Unang tumatak ang pangalang Regine Velasquez sa akin noong ako'y nasa sekundarya pa lamang. Ang Pangulo ng aming seksiyon ay isang panatiko noong mga panahong iyon, at mayroon siyang bala ng casette na dala-dala sa araw-araw naming klase. Noon din sa aking pagkakatanda, ang nasabing Pangulo ay kagagaling lamang sa isang pighati ng pag-ibig; at kaniyang ninanamnam ang bawat liriko ng kantang "You Made Me Stronger". Kung hindi iilang beses niya itong inaawit, kapag kami ay nasa pagitan ng pagpapalit-palit ng guro sa iba't ibang asignatura at kapag kami ay nasa pang-tanghaling pahinga.

Ang batid ko lamang noon ay isang magaling na mang-aawit si Regine Velasquez at nagtamo ng titulong "Asia's Songbird" matapos niyang magwagi sa timpalak-awit na ginanap sa Hong Kong. Kumintal din sa aking pag-iisip na siya ang naging dahilan ng hiwalayan ng dating magkasintahang parehong kayumanggi. Ang lalake ay isa ring mang-aawit, ang babae ay isang aktres na mas popular sa kaniyang pagkakakilanlan bilang kapatid ng isa pang aktres. Maliban doon, si Regine Velasquez para sa akin ay isa lamang sa mga anino ng industriya ng pelikula at telebisyon ~ isa lamang artista ng sining.

Hindi naman talaga gaanong sikat si Regine noong mga panahong iyon hindi gaya ni Lea Salonga na lumikha ng malaking ingay sa kaniyang pagganap bilang Kim ng Miss Saigon. Muli, si Regine ay isa lamang sa mga artistang kilala natin. Ang alam lamang ng nakararami, may isang Regine Velasquez na kayang abutin ang pinakamataas na nota ng piyano. Ngayong ako'y nabighani na ni Adarnang Regine, nabatid kong siya pala ay inalok din ng papel na Kim, marahil mas nauna pang alukin kay Lea Salonga. Dangan nga lamang at siya'y napakakonserbatibo (nakakatuwang hindi na ngayon sa klase ng mga damit na kaniyang isinusuot) at natakot sa maseselang eksenang gagawin sa Miss Saigon. Sayang! Marahil kung itinuloy niya ang pagganap na Kim, may isa pang napakagaling na Pilipinong bumandila ng ating watawat sa larangan ng pandaigdigang sining.

Nagsimula ang pagkamangha ko sa talento ni Regine nang siya'y pumasok na sa SOP, isang pang-Linggong palabas sa isang istasyon ng telebisyon, kapalit ng kaniyang kapatid na noong mga panahong iyo'y kailangang magpahinga dahil sa pagbubuntis. Doon ko narinig kung hanggang saan ang kapasidad ng kaniyang tinig. Sa linggo-linggo kong panonood, humihigit ang aking panggigilalas sa tinig ng adarna. Mula noon, isinilang ang isang panatiko sa aking katauhan.

Tumindi ang aking paghanga kay Regine nang siya ang maatasan ng nasabi kong istasyon ng telebisyon na awitin ang milenyong handog ng Pilipinas sa buong mundo, ang awiting "Written in the Sand", sa selebrasyon ng pagsalubong sa bagong milenyo. Sa tuktok ng isang hotel na may artipisyal na bukal, umawit si Regine at binighani ang lahat ng nakapanuod. Sa kaniyang pag-awit ay tumindig ang aking balahibo, hindi dahil sa pakikisali ng Pilipinas sa pandaigdigang selebrasyon, kundi dahil sa galing ng isang Pinoy na mang-aawit na kayang pantayan at higitan ang isang banyaga na sinasamba ng karamihan sa kabila ng kaniyang paos na pag-awit.

Dahil sa awiting iyon, lalo kong minahal at itinangi si Regine Velasquez.

Naalala ko din ang panahong isinaentablado ni Regine ang konsiyertong tumatak bilang pinakamahusay na konsiyerto sa buong Asya sa unang dekada ng milenyo, ang R2K. Oo, tanging sa telebisyon ko natunghayan ang konsiyerto. Gayon pa man, para ko na ring naramdaman ang damdamin ng lahat ng taong pumuno sa Araneta Coliseum. Nakamamangha ang paglipad ni Regine at habang nasa ere ay inaawit ang pinakamatataas na bahagi ng awiting "On the Wings of Love". Siya lamang, sa aking pagkakalam ang nakayang abutin ang napakatataas na tono ng isang kanta habang nasa ere. Alam kong kinopya lamang niya sa isa niyang idolong mang-aawit ang pagkanta habang lumilipad, ngunit hinigitan pa niya ang pagtatanghal ng nasabing mang-aawit.

At muli dahil dito at aking aaminin, itinodo na ni Regine Velasquez ang aking paghanga sa kaniya.

Matapos ng nasabing konsiyerto, lalong sumikat si Regine Velasquez. Nakagawa siya ng ilang pelikula ngunit ang kaniyang pagiging artista ay lalong pinagtibay nang siya ay tanghaling "Box-Office Queen". At lalong higit, matapos ang kaniyang pagganap bilang otistiko sa isang pagtatanghal ng Maalala Mo Kaya, nagwagi siya bilang Pinakamahusay na Aktres. May muli na namang pinatunayan si Regine ~ na siya'y tunay na alagad ng sining, sa lahat nitong aspeto (si Regine ay mahusay ring gumuhit, kung hindi pa ninyo nababatid).

Kaakibat ng kaniyang kasikatan, si Regine ay kinulapol ng napakaraming intriga at kontrobersiya. Nariyang binansagan siyang "Human Smuggler" ng hindi nakapagpresenta ng sapat na dokumento ang isa niyang tauhan ng balakin nilang magtanghal sa Amerika. Dahil dito, si Regine ay hindi pinahintulutang makabisita sa nasabing bansa sa loob ng anim na buwan. Nariyan din ang intrigang hindi nagbabayad si Regine ng tamang buwis sa ating pamahalaan. Ang pinakamatindi, si Regine daw ay isang "Home Wrecker", matapos ang kaniyang pagkaka-ugnay sa dalawa niyang lalaking kasamahan sa kaniyang lingguhang palabas. At sa ngayon nga, kumpirmado na ang relasyon niya sa isang kasamahan matapos ang ilan taon ding paglilihim... sa gitna ng matagal na ding bulung-bulungan na higit pa sa kompositor-mang-aawit ang kanilang relasyon. Ang hindi natin batid ay maaaring bago pa man ang relasyon ni Regine sa nasabing kasamahan, ang asawa mismo ng kaniyang iniibig ay may iba ng minamahal sa sarili nitong bansa. May ganito ding bulung-bulungan ngunit hindi kailanman nakumpirma. Ang tanging pinagpistahan ng mga manunulat ng diyaryo't magasin at ng nakararaming Pilipino, si Regine ay isang mababang uri ng babae at mahilig kumabit sa mga lalaking may-asawa.

Ngayon, sa gitna ng lahat ng ito, bakit patuloy ko pa ding itinatangi si Regine Velasquez? Bakit patuloy pa din akong gumagastos ng malaking halaga sa kaniyang mga plaka (luma man o bago), pelikula at konsiyerto (na hindi ako kuntento na hindi nasa mga unang hanay sa harap mismo ng entablado)?

Marami akong dahilan...

Higit sa talentong kaniyang taglay, si Regine ay isang mabuting anak. Batid ng nakararami ang relasyon mayroon si Regine sa kaniyang amang si Mang Gerry at sa kaniyang inang si Mommy V. Kung hindi iilang beses siyang pinaluha ng mga pangyayaring may kaugnayan sa kaniyang mga magulang ~ pighati, hirap, pagkakasadlak sa kahirapan, pagbangon at pagtatagumpay.

Si Regine ay isang mabuting kapatid. Sa kaniyang murang edad ay kinailangan niyang sumali sa napakaraming timpalak-awitin upang makatulong upang mairaos ang araw-araw na pagkain ng kaniyang mga kapatid. Pinili niyang hindi magtapos ng pag-aaral at sa halip ay humanap ng kabuhayan upang mapag-aral silang lahat. Sa aking pagkakabatid, tanging si Regine ang hindi nakatapos habang lahat niyang kapatid ay pawang mga titulado at may isa pa ngang dentista.

Si Regine ay isang mabuting tao. Sa iilang pagkakataong nabalita, maraming organisasyon ang tinutulungan ni Regine sa pag-agapay sa biktima ng mga sakit, sakuna at kahirapan. Kung ilang beses ko nang napanood ang kaniyang pagluha habang inaawitan ang mga batang maysakit na kanser sa isang palabas ng istasyong kaniyang pinaglilingkuran. At ngayon nga, kaagapay ang isang kumpanyang sikat sa pagbebenta ng mga gatas, ipinakikilala ni Regine ang isang grupo ng mga batang musikero sa pamamagitan ng pagsama nila sa mga konsiyerto at palabas ni Regine. Hindi rin maikakailang ang karamihan ng mga bagong mang-aawit, mapa-lalake man o babae ay kay Regine nagsimula at umidolo. Palagi niyang biro na siya ang nagluwal kay Sarah Geronimo, Rachelle Ann Go, Mark Bautista, Jonalyn Viray, Gerald Santos, Aicelle Santos at Maricris Garcia. Nariyan pa si Kyla, Sheryn Regis at Erik Santos na napakataas ng respetong ibinibigay kay Regine.

Higit sa lahat, si Regine ay mabuting tao. Hindi ko siya kilala ng personal, ngunit alam kong si Regine ay marunong makisama, marunong rumespeto sa kahit sino anuman ang katayuan sa buhay. Hindi iilang kaibigan niya ang nagpapatunay nito sa napakaraming pagkakataong hiningan sila ng sasabihin ukol kay Regine.

Ngayon ay maaaring nakapagbigay na ako ng sapat na dahilan kung bakit nga ba si Regine ang aking hinahangaan at inuluklok sa pinakamataas na pedestal at binibigyan ko ng pinakatangi kong pagsamba. Si Regine ay isang patunay na ang tunay na idolo ay higit sa anu pa man, isang anak, isang kapatid, isang kaibigan at tao pa rin ~ madadapa, magkakamali ngunit babangon upang muling magtagumpay. At patutunayan sa lahat kung bakit siya ay karapat-dapat tawaging IDOLO.

Regine, mabuhay ka!

1 comment:

Anonymous said...

THank you for your wonderful testimony on Regine.

She is everything you said she is, and more.

The world may not know about Regine's vocal greatness...but to be honest, that's their loss, not Regine's.

I will always be completely grateful that I came to hear and know a singer as amazing as Regine.