Bago ako umalis, kailangan ko munang mamaalam...
Maglalayag ang aking kaluluwa sa mga susunod na araw. Muli kong pinagbigyan ang makati kong mga paa sa kaniyang pagpupumilit na tumahak ng bagong landas, kahit na pansumandali lamang. Ninais nitong lumayo at aking pinagbigyan. Marahil dahil kailangan din ng aking puso at isipan ng pahinga, lalo't higit ng pagal kong katawan. Ayoko na munang mag-isip; gusto ko munang liparin ang kawalan.
Sa aking pagbabalik, marahil ay wala namang magiging pagbabago. Babalik pa rin akong bitbit ang dati kong sarili ~ nasasaktan, nahihirapan, napapagod... ngunit sana, sa aking pagbalik, handa na akong lumaban, matuto at higit sa lahat, iwan ang lahat ng pait at hinanakit. Dahil binulok nito ang aking pagkatao, dahil sinira nito ang aking diwa. At higit sa lahat, dahil panahon na upang bumuo ng bagong katauhang hinabi sa dati kong mga gawi ~ malaya, mapangarap at naniniwalang ang lahat sa buhay ay maganda.
Sa aking pamamaalam, ako'y babangon... Sa aking paglisan, ako'y mabubuhay na muli...
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

No comments:
Post a Comment