Makati, NCR, Philippines
Those who are interested to know me, read on… Those who are interested to share a space on my sphere, go on… Those who are ready to embrace me, carry on… Those who’d like to celebrate life with me, let’s get it on…

Saturday, June 14, 2008

Ako'y Maglalayag

Susulat ako... susubukan ko uli...

Hindi ko alam bakit nahihirapan ako ngayong humabi ng kuwento. Malungkot ako, oo, pero hindi naman sapat na dahilan yun upang pumurol ang utak ko. Ang totoo, ramdam ko namang hindi naglulugaw ang pag-iisip ko. Nakakapagtrabaho pa naman ako ng maayos kahit na kung minsan, may katamaran akong kumilos. Nakakusap din naman ako ng matino. Hindi ko lang talaga alam bakit naglalayag ang diwa kong mapagkatha ng mga sulatin. Hindi ko alam... at ayoko ding alamin.

Naiisip ko ngang minsan hindi kaya nababaliw na ako? Hindi kaya nawawala na talaga ako sa katinuan? Natatawa ako habang nalalaman ko din ang sagot. Kung ako ay nababaliw, bakit ko tinatanong kung nababaliw na nga ba ako? Kahit labu-labo ang isiping naglalaro sa utak ko, batid kong hindi pa din ako nawawala sa katinuan dahil kaya ko pa ding alamin kung alin sa sanlaksang nagririgudong isipin ang higit na kailangan kong pagtuunan ng pansin at dapat kong gawin. Ang labo! Ang gulo! Hindi ko talaga mawari ang sarili ko...

Marahil, ang kailangan ko ay pahinga... kailangan ko ng isang payapang mundo pansamantala. Malayo sa lahat ng kapagurang binabata ko sa kasalukuyan, malayo sa magulong daigdig na aking ginagalawan, malayo sa lahat ng pait na aking nararanasan.

Kailangan kong paglayagin ang aking diwa sa kawalan, upang mahaplos ng hanging magbibigay ng katahimikan sa kaluluwa kong tila naliligaw. Kailangan kong magpatangay sa agos ng lahat ng emosyong umaalipin sa akin ngayon. Kailangan kong ipikit ang aking mga mata at namnamin ang lamig ng gabi, ang init ng araw at ang kung anumang pakiramdam sa kanilang pagitan.

Marahil, iisa ang kasagutan... kailangan kong buuin ang sarili ko... na akala ko nabuo ko na dati... na akala ko handa na muling sumugod sa laban ng buhay...

Sa ngayon, hayaan nating liparin ang aking pagkatao patungo sa isang dimensiyong hindi mo at hindi ko alam kung saan... at sa aking pagbabalik, muli kong hahawakan ang pluma... upang muling humabi ng kathang magmumula sa sanlaksang karanasan... sa diwa kong sana sa huli'y muling magliwanag... patungo sa kung saan ang lahat ay mahusay...

Iyan na muna sa ngayon... ako muna'y maglalakbay.

No comments: